2 patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2016 10:16 AM

Dalawang katao ang namatay habang isa naman ang sugatan sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City Biyernes ng umaga.

Dead on the spot ang assistant administrator ng Barangay Holy Spirit na si Rodante Sanchez makaraang paulanan ng bala ilang metro lang ang layo mula sa kanyang bahay sa Sto. Domingo Street ng nasabing barangay.

Araw-araw na nagja-jogging sa kanilang kalye ang biktima.

Kanina, nakarinig na lang ng anim na putok ng baril ang mga residente at nakita ang isang lalaking tumakbo palayo sa crime scene.

Siniguro ng gunman na patay ang biktima dahil nagkalat pa sa kalye ang ilang basyo ng bala ng di pa malamang kalibre ng baril.

Inaalam pa kung may kaugnayan sa kanyang posisyon sa barangay ang motibo sa pamamaslang.

Samantala, kinilala na ang dalawang biktima ng pamamaril sa IBP Road corner Kaunlaran Street sa Barangay Batasan Hills kanina.

Dead on the spot din ang 21-anyos na waitress na si Venieve Conje na nadamay lamang sa pamamaril habang kritikal naman ang kalagayan sa East Avenue Medical Center ni Jimmy de Vera na nagtamo ng multiple gunshot wounds sa katawan.

Nabatid na si De Vera ay isang MMDA OYSTER o Out-of-School Youth Serving Towards Economic Recovery at nakatalagang magtraffic sa EDSA-Muñoz.

Tikom pa ang bibig ng mga nag imbestiga sa motibo sa pamamaril.

Hinabol umano ng apat na lalake si De Vera at binaril. Saktong nakatayo naman sa lugar si Conje na tinamaan din ng bala at agad na namatay. With a report from Zhander Cayabyab, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.