SAPUL SA CCTV: 4 anyos sa Maynila, nagulungan ng SUV

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2017 09:31 PM | Updated as of Dec 01 2017 11:10 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang apat na taong gulang na bata matapos masagasaan ng isang SUV sa Sta. Cruz, Maynila. 
    
Nahagip ng CCTV ang isang grupo ng mga paslit na naglalaro sa kalsada sa Brgy. 369 Santa Cruz, Maynila bandang alas-4:30 ng hapon ng Huwebes.

Matapos ang ilang minuto, umalis na ang karamihan ng mga bata pero nagpaiwan at naupo pa sa gitna ng kalsada ang biktima. 

Maya-maya, lumiko mula sa kabilang kalsada ang isang pulang SUV na minamaneho ni Rosario Castro at nasagasaan ang bata. 

Lumabas ang babaeng driver at tila nataranta nang makita ang batang nagulungan.

Sa halip na isakay sa kaniyang kotse ang bata, inatras nito ang SUV at tumawag ng tricycle para magdala sa biktima sa pagamutan.

Dinala pa ng kaniyang ina sa ospital ang biktima pero hindi na ito umabot nang buhay. 

"Kahit mamatay kang paulit-ulit hindi mo mababayaran 'yung buhay ng anak ko. Eto pong area na ito hindi naman po ito daanan ng sasakyan talaga," humahagulgol na kuwento ni Maricris Galicia, ina ng biktima.

Kuwento ng nanay, nagpaalam lang ang bata na bibili ng merienda.

Kapitbahay nila ang nakasagasa na papunta sana sa isang outing.

"First time ito nangyari na may nasagasaan diyan sa Tiago street...'Yung driver sumunod 'ata sa Chinese General Hospital para tingnan 'yung sa pangyayari sa bata," ani Efren Santos, kagawad ng nasabing barangay.

Nasa kustodiya na ng Manila Traffic Bureau ang nakasagasang driver na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide. Naka-impound na rin ang kaniyang sasakyan.

--Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.