X-ray technician, patay sa pamamaril sa Isabela

Danica Guieb, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2016 12:26 AM

ISABELA – Patay ang isang x-ray technician sa Echague, Isabela matapos barilin dahil sa umanong pagkakasangkot sa iligal na droga.

Ayon sa mga otoridad, binaril si Oswaldo Sinon, 55 taong gulang, ng di pa nakikilalang lalaki habang bumibiyahe ang biktima patungong trabaho lulan ng motorsiklo. 

Binawian ng buhay sa kalsada ang biktima, matapos matamaan ng bala ang kanyang spinal column.

Natagpuan sa bangkay ni Sinon ang isang placard, kung saan nakasulat, “Eto na yung kasunod, bawal ang pusher dito sa Echague.”

Kinumpirma ng mga pulis na si Sinon ay isang drug surrenderer, na sumuko sa mga otoridad bilang bahagi ng Oplan Tokhang, ang kampanya ng pamahalaang kontra-droga. 

Batay sa nakasulat sa karton na nakapatong sa bangkay ng biktima, possible umano na ang bumaril sa biktima ay bahagi ng grupo na pumatay kay Leonardo Oliveros noong Nobyembre. Natukoy din bilang drug surrenderer si Oliveros.

“Pusher ako may susunod pa,” sulat sa isang placard na ipinatong sa bangkay ni Oliveros, na natagpuan sa Tuguegarao, Echague, noong nakaraang buwan.

“Base doon sa placard [na natagpuan sa bangkay ni Sinon], ito na iyong kasunod. Maaaring iisang grupo ang tumira [sa kanilang dalawa]. Isa pang angle niyan, same caliber [ng baril] ang ginamit, which is M-16,” ani Senior Inspector George Maribbay, deputy chief of police ng Echague.

Ikinalungkot ng mga katrabaho ni Sinon ang kanyang pagkamatay. Ayon sa kanila ay lingid sa kanilang kaalaman ang paggamit ng droga ng biktima.

Nanatiling tikom ang bibig ng pamilya ni Sinon. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.