P90-K halaga ng marijuana, nasabat sa Baguio

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 09:46 PM

BAGUIO CITY- Mahigit P90,000 halaga ng marijuana ang nasabat sa isang buy-bust operation sa Barangay Salud Mitra, Baguio City nitong Miyerkoles ng hapon.

Arestado sina Rodolf John Carandang, 22, at ang isang kasama nito.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency–Cordillera, matagal nang minamanmanan ang mga suspek.

Nakumpiska sa kanila ang 730 gramo ng marijuana na may halagang higit P90,000.

Base sa imbestigasyon, target ng mga suspek bentahan ang mga kabataan at customer na pumapasok sa mga painuman sa Baguio.

“Based on investigation itong mga to yung mga nagsu-supply sa mga bars natin mga clients nila yung mga kabataan natin,” ani abogado Joseph Calulut, tagapagsalita ng PDEA.

Madalas naman daw ang monitoring ng ahensya para maiwasan ang pagpasok ng mga ilegal na droga sa mga painuman sa lungsod.

“Regular naman tayo nagmomonitor sa bars kasi ayaw natin na mabiktima yung mga kabataan natin, sana tumigil na sila kasi sinisira nila ang kabukasan nitong mga bata," ani Calulut.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.