Mga pulis-Pasig, sinimulan nang gamitin ang mga body camera

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 09:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ginamit na ng Pasig police ang mga body camera sa kanilang mga operasyon at papanagutin umano ang mga mapatutunayang nagpatay o nagbura ng nakuhanang video. 

Nagsagawa ng checkpoint ang mga pulis sa Shaw Boulevard sa Pasig City na suot na ang mga body cameras nitong Huwebes.

Ibinigay ng lokal na pamahalaan ng Pasig ang 48 body camera at may darating pang mga bagong camera sa mga susunod na buwan.

“Parang storage ‘to ng mga ginagawa natin. Mase-save natin lahat ng actions, reactions kasi may audio video ito,” ayon kay Senior Supt. Orlando Yebra, hepe ng Pasig police. 

Dagdag pa niya, para rin ito sa kaligtasan ng mga sibilyan.

Sinubukan din ang paggamit ng body camera sa isang “Oplan Galugad” nitong Huwebes.

Kayang mag-record ng hanggang walong oras ang camera at gumagana kahit sa gabi at maging sa ulan.

Bawal burahin, i-edit at pabayaang ma-low bat ng mga pulis na may dala nito ang mga body camera.

May parusa ang sinumang lalabag dito.

Paniguro rin ang mga body camera na walang gagawing ilegal ang mga pulis sa operasyon, kahit ang ibang walang suot na camera.

“Puwede nating gamitin sa mga checkpoint operation sa ating mga kapulisan na kung saan minsan ay inaakusahang sila ay bastos tuwing sila ay mag-conduct ng mga checkpoint operation,” ani National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde. 

Ayon pa kay Albayalde, target nilang mabigyan ng mga body camera ang isa sa bawat apat na pulis sa Kamaynilaan.

Bahagi rin ang body camera sa hinihingi ng Philippine National Police na maisali sa kanilang budget sa susunod na taon.

-- Ulat ni Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.