423 drug surrenderers sa Isabela, nagtapos sa rehab program

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 01:40 AM

Nagtapos na sa community-based rehabilitation program ang may 423 drug surrenderers sa Cauayan City, Isabela.

Sumailalim sila sa lecture, skills training, physical activities, community service, at group counseling ng ilang linggo.

Ayon sa isang drug surrenderer, malaking tulong ito para sa kanila.

"Nagpapasalamat ako na naging presidente si Pangulong Duterte dahil may ganitong programa para sa aming dating gumagamit ng iligal na droga," aniya.

Kahit na grumaduate na sila, hindi rin ibig sabihin na hihinto na ang pulis sa pagmomonitor sa kanila.

"Matatanggal na ang kanilang mga pangalan sa watchlist pero babantayan pa rin sila para masigurong hindi na babalik sa iligal na gawain," ayon kay Senior Supt. Reynaldo Garcia, hepe ng Isabela provincial police.

Nakahanda namang umalalay ang lokal na pamahalaan sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga surrenderer para matiyak na hindi na sila babalik sa iligal na gawain.

Ayon kay Renante Rosero, chief admin officer ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Cagayan Valley, malaking tulong ang community-based drug rehabilitation program para maideklara ng ahensya ang isang lungsod na drug-cleared.

Payo ng otoridad sa mga drug surrenderer, tuluyan ng magbago at huwag ng bumalik sa iligal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.