2 tricycle driver, tiklo matapos mangholdap ng jeep sa Tondo

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 06:07 AM

Arestado ang dalawang tricycle driver matapos umanong mangholdap ng isang pampasaherong jeep sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga nahuli na sina Sonny Romawak at Michael Gallaza.

Kwento ng biktima na si alyas Jen, pauwi na sana siya galing trabaho nang huminto ang jeep na sinasakyan niya sa Juan Luna St.

Bigla na lang daw sumakay ang isa sa mga suspek at tinutukan siya ng kutsilyo.

Pwersahang kinuha ng mga suspek ang kanyang cellphone at bumaba sa jeep pagkatapos.

Agad humingi ng tulong si Jen sa mga taga barangay kung saan nahuli ang mga suspek.

Paliwanag ng isang suspek, kailangan niya lang ng pera dahil nasa ospital ang anak niya.

Mahaharap sa kasong robbery-holdup ang dalawa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.