Marcos supporters, naka-pwesto na sa Liwasang Bonifacio

Alex Calda, DZMM

Posted at Nov 30 2016 11:05 AM

Naunahan ng dalawang pro-Marcos group ang Block Marcos Movement sa pag-okupa ng Liwasang Bonifacio sa Ermita, Maynila kaugnay ng kanilang protesta ukol sa hero's burial ni dating pangulong Ferdinand Marcos, Miyerkules.

Pasado alas-6 ng umaga pa lang ay naka-pwesto na sa Liwasan ang mga taga-suporta ni Marcos at ang Alliance Against Graft and Corruption Movement. Pawang naka-puti at pulang t-shirt ang grupo na may miyembrong nagmula sa mga pribadong kumpanya.

Giit ng grupo, kung hindi kay Marcos ay wala sanang pag-aaring lupa at sariling bansa ang Pilipinas.

Dagdag nila, nagtungo rin sila sa lugar para gunitain ang ika-153 kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Ayon naman sa Block Marcos Group, pinag-iisipan nilang lumipat sa Metropolitan Theater para umiwas sa gulo at doon magpahayag ng pagtutol sa paghihimlay kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) sa Taguig.

Una nang nagkampo Martes ng gabi ang grupo sa LNMB, dala ang mga pala para hukayin anila ang labi ni Marcos.