Block Marcos movement nag-vigil sa Libingan ng mga Bayani

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2016 09:49 AM

MANILA - Hindi natinag ng ambon ang magdamag ng pagbabatay ng Block Marcos Movement sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig bilang pagtutol sa pagpapalibing doon kay dating pangulong Ferdinand Marcos.

Sa ilalim ng mga payong, tent at trapal idinaos ng mga aktibista, na karamiha'y mga estudyante, ang kanilang programa. Marami sa kanila ang nakasuot ng itim at may mga dalang placard.

"Hukayin! Hukayin!" sigaw ng grupo ukol sa mga labi ni Marcos.

Ani Kat Leuch, spokesperson ng Block Marcos Movement, "'Pag ikaw ay namulat na, hindi mo na pwedeng ipikit ang iyong mga mata. We're not gonna stop until this thing that is buried here is exhumed."

Kabilang sa mga nagtalumpati sa vigil si Issa Manalo Lopez, aktibistang ipinanganak sa kulungan matapos damputin ang kanyang mga magulang dahil sa paglaban sa rehimeng Marcos.

Anya, hindi na niya masikmura ang pagbalewala sa karanasan ng mga biktima ng Martial Law.

"Masakit at nakakagalit. Nakakagalit kasi sinasabi sayo na iyung history mo ay hindi totoo, iyung karanasan mo ay hindi totoo. So parang nawawalan ka ng saysay bilang tao, 'di ba? Kasi iyung kasaysayan mo ay saysay rin ng buhay mo," giit ni Lopez.

Idiniin din niyang dapat baguhin ang pagtuturo sa mga estudyante ukol sa rehimeng Marcos at Martial Law.

"Dapat holistic ang pagtuturo, ipinapakita through visuals, maaaring through documentaries, interviews, maaaring sa pelikula, maaaring mag-imbita ng mga magsasalita," sabi ng aktibista.

Pagdating ng madaling araw, nagsindi ng kandila ang mga protester at isinulat sa mga kartong kabaong ang mga bagay na nais na nilang mailibing.

Nakatakda silang magtungo sa Liwasang Bonifacio sa Maynila para makasama ang ilang grupo ng mga manggagawa. Mula roon, magmamartsa sila papuntang Mendiola bago mag-noise barrage caravan papunta sa People Power Monument sa Quezon City.

Sa People Power Monument inaasahang magtatagpo ang mga grupong kontra sa hero's burial ni Marcos para sa malawakang rally na inaasaahang magtatagal hanggang gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.