Walang salvage? CCTV ng Tondo drug ops 'inconclusive' - MPD

Aleta Nieva-Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 10:57 AM | Updated as of Nov 29 2017 11:12 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pinaninindigan ng Manila Police District (MPD) na hindi kumpleto ang kuwentong isinalarawan ng Reuters hinggil sa police operation na ikinamatay ng tatlong tulak ng ipinagbabawal na droga sa Tondo noong buwan ng Oktubre.

"Inconclusive po yung video. Hindi naman masabi na nagkaroon ng salvaging," ayon kay Chief Superintendent Joel Napoleon Coronel.

Pahayag ni Coronel, hindi nakita sa CCTV ang mismong operasyon dahil mahigit 50-metro ang layo nito mula sa encounter site.

Nakakuha ang Reuters ng footage mula sa apat na security cameras sa lugar nang maganap ang umano'y police operation noong Oktubre 11 sa Barangay 19, Tondo.

"Ito po ay high risk police operation dahil ang mga report, mga armado at nanlaban po yung mga taong ito dahil na po may mga rekord na ito sa iba-ibang krimen," sabi ni Coronel.

Pero bukod sa kuha ng mga CCTV at batay na rin umano sa mga nakasaksi sa insidente, sinasabing pinatay at hindi nanlaban ang mga suspek na sina Rolando Campos, Sherwin Bitas at Ronnie Cerbito.

"Nakita po nagtatakbuhan yung mga tao. Makikita po nagkaroon ng habulan dahil nung na-alarm na may pulis sa area ay nagtangkang lumaban at nagpaputok sa pulis ay doon po nagkaroon ng encounter," sabi ni Coronel.

Sa isang footage, isang operatiba ang tila nagpaputok ng kanyang baril sa hindi makitang target. Bahagyang nahagip naman ng camera ang pagtumba ng patihaya si Campo sa bandang paanan ng operatiba.

PINIHIT ANG CCTV

Isa sa 15 operatiba naman ang makikitang ipinihit ang isang CCTV camera.
 
"Inamin ng pulis na ginalaw po, tiningnan po. Inaalam po kung kanino naka-connect. Hindi alam kung barangay yung camera o private," paliwanag ni Coronel.

Ipinaliwanag rin ni Coronel kung bakit hindi agad naisugod sa pagamutan ang 3 nabaril na drug suspek. Sa ulat ng Reuters, halos 25 minuto ang lumipas bago naitakbo sa ospital ang mga ito.

"May dalawang target pa na suspect sa area, hindi pa ma-clear yung area. Hindi pa makalabas agad ang ating mga pulis dahil bukod sa 3 na na-identify na involve sa trafficking may 2 pang hinahanap dyan. Masikip at medyo delikado ang lugar na yan dahil maraming krimen ang nangyayari diyan," sabi niya.

Sa kabila ng taliwas na pagsasaad sa naganap na insidente, sinabi ni Coronel na ipinagutos na ni Philippine National Police Chief Ronaldo Dela Rosa ang pagkakaroon ng masusing imbestigasyon hinggil dito.

"Kaya po lahat ng mga kasama sa police operation ay binigyan ng utos na mag-report sa Internal Affairs Service. They are to submit a report personally for the investigation na gagawin," sabi niya.

Sinabi naman ng Malacanang na nasa proseso na rin ang awtoridad sa pag-authenticate sa naturang kuha ng mga security cameras sa lugar.

"The President will not tolerate any abuses committed by some personnel of the Philippine National Police. We don't tolerate police violence, brutality or killing," pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.