PNP, target mag-body cam para makaiwas sa mga bintang

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 11:51 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nabahiran ang imahe ng Philippine National Police (PNP) matapos masangkot sa mga kontrobersiya ang ilang pulis, kabilang ang pagpatay kina Kian Delos Santos at Carl Angelo Arnaiz.

Kaya't sakaling maibalik na sa kanila ang war on drugs nangako si PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na gagawin nila nang may buong pag-iingat ang mga operasyon para hindi na muling sumablay.

Hinimok niya rin ang mga lokal na pamahalaan na tumulong sa pagbili ng mga body camera para sa mga pulis.

"We will not allow them operating without body cameras, para transparent tayo," ani Dela Rosa nitong Lunes, Nobyembre 27. "'Yong commitment namin to avoid bloodshed and to avoid committing human rights violations ay talagang nandiyan palagi."

Nitong Miyerkoles, nagsagawa ng orientation ang Pasig police sa kanilang mga tauhan kung paano gamitin ang 50 bagong body camera na ibinigay ng lokal na pamahalaan.

Sinubukan nila ito sa kanilang "Oplan Sita" o ang checkpoint sa mga motorista at gagamitin din sa iba pang operasyon.

Para sa ilang motorista, mainam na may suot na body cam ang mga pulis.

"Maganda yan para medyo black and white ang operation nila, para walang masabi ang ibang tao, siyempre 'yung iba nag-iisip ng hindi maganda eh," anang motoristang si Romeo Briones.

"Mas maganda 'yan, mas effective. Para ma-monitor talaga," sabi naman ng isa pang motoristang si Danny Guyaco.

Ayon naman sa pulisya, magsisilbing proteksiyon para sa mga pulis at kanilang maaaresto ang mga body cam.

"Magiging transparent.... Maiiwasan 'yong pang-aabuso ng kapulisan, maiiwasan din 'yong mga aggressiveness siguro ng mga huhulihin namin dahil alam nila na all their actions will be recorded," ani Chief Supt. Romulo Sapitula, Eastern Police District director.

"Magiging ebidensiya just in case na magfa-file sila ng mga kung ano-anong accusations against sa ginagawa natin," ani Senior Supt. Orlando Yebra, hepe ng Pasig police.

Kayang mag-record ng bawat body camera ng anim hanggang walong oras na tuloy-tuloy na operasyon.

Mahigpit namang ipagbabawal sa mga pulis ang pagbura sa mga recording.

Naniniwala silang malaki ang maitutulong ng mga gadget na ito para bumalik ang tiwala ng publiko sa mga pulis.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.