Pagbabalik ng drug war sa PNP, tinutulan ng mga abogado

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 09:16 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi pa man naibabalik sa Philippine National Police (PNP) ang war on drugs na sa ngayo'y pinamamahalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency, isang grupo na ang umaalma. 

Ayon sa Free Legal Assistance Group (FLAG), posibleng dumanak na naman ang dugo kapag PNP na muli at hindi na PDEA ang mangunguna sa mga anti-drug operation.

"Recent pronouncements appear to indicate that the drug war will soon be reverted back to the PNP. So we may have to expect more blood to spill on our streets," ani Ma. Socorro Diokno, secretary general ng FLAG.

Binatikos din ng FLAG ang pulisya dahil sa report ng Reuters ukol sa CCTV video na kuha mula sa Tondo, Maynila noong Oktubre.

Sa report ng Reuters, kita ang mga bangkay na inilalabas mula sa isang bahay, ilang minuto matapos dumating ang mga operatiba ng PNP.

"You know this is what is very alarming, when the police believe that they can behave with impunity, when the police believe they can go anywhere, without uniform, they can just raid any place and they can just begin to shoot people," ani Diokno.

Ayon pa sa ulat, may isang nakasaksing nagsabing taliwas sa depensa ng pulisya na "nanlaban" ang tatlong napatay sa operasyon, sadyang pinaslang umano ang mga lalaki.

Saad pa ng Reuters report, makikitang pinihit pa ng isang pulis ang pagkakakatutok ng isang CCTV camera palayo sa pinangyarihan ng operasyon.

Pero kinuwestiyon ni PNP chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa ang timing ng paglabas ng video.

"Tina-timing saka nila ilalabas 'yong mga gano'ng damaging... reports about PNP, kung kailan tayo babalik. Ibig sabihin, 'yong mga kalaban natin, ayaw tayo pabalikin sa war on drugs. Ano'ng kinatakutan nila? Di naman sila mga adik siguro," ani dela Rosa.

Pinaninindigan din ng Manila Police District (MPD) na lehitimong operasyon iyon at nanlaban ang mga suspek na drug pusher.

Ayon sa MPD, hindi kompleto ang kuwentong inalarawan ng Reuters hinggil sa operasyon ng pulis.

"Inconclusive po 'yong video. Hindi naman masabi na nagkaroon ng salvaging," ayon kay MPD director Chief Superintendent Joel Napoleon Coronel.

Giit naman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), dapat bawiin ni Dela Rosa ang kaniyang sinabi at humingi ng paumanhin sa Reuters.

Saad ng bahagi ng pahayag ng NUJP: "The National Union of Journalists of the Philippines demands that PNP chief Ronald dela Rosa take back his utterly asinine and potentially dangerous insinuation that respected news agency Reuters may be in cahoot with drug syndicates in the release this week of a special report on the suspicious police killing of three men in Tondo, Manila in October."

Noong nakaraang linggo lang, sinabi ng PNP na handa na sila sakaling ibalik sa kanilang hanay ang drug war.

Mahigit isang buwan na ang nakalipas mula nang ipatigil ni dela Rosa ang "Oplan Tokhang" kasunod ng atas ni Pangulong Duterte na nagtatalaga sa PDEA na maging tanging ahensiyang mangunguna sa kampanya kontra droga. 

Ayon sa PNP, may mga pagbabago na sila sa panuntunan ng pagpapatupad ng drug war, pero di umano nila maipapangakong hindi na ito magiging madugo.

-- May ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.