Kontrahan sa Korte Suprema, inilantad ni De Castro

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 06:28 PM | Updated as of Nov 29 2017 09:45 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa isang pambihirang pagkakataon, dumalo nitong Miyerkoles sa pagdinig ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kaniyang kapwa mahistradong si Associate Justice Teresita de Castro. 

Inimbita si De Castro upang tumestigo ukol sa "administrative matters" ng Korte at sa "adjudicative matters" ngunit limitado lamang sa tatlong isyung ipinupukol kay Sereno. 

Sa kaniyang pambungad na pahayag, sinabi ni De Castro na ang komite ang angkop na forum kung saan niya maaaring maitama ang mga maling impormasyon ng publiko. 

"I welcome this opportunity because this will be the right time for me to explain to everyone the process that we follow in deciding cases in the Supreme Court (SC)...I also believe this is the proper venue where I can correct the misinformation that has been spread many times during this period," aniya.

'Pinekeng' resolusyon

Unang isiniwalat ni De Castro ang kontrobersiya sa likod ng pagbubukas ng Regional Court Administration Office (RCAO) sa Cebu na ayon sa kaniya at ilang pang mahistrado ay hindi inaprubahan ng court en banc, o ang lahat ng mga mahistrado ng Supreme Court. 

Kuwento ni De Castro, Nobyembre 2012 nang makatanggap na lamang siya ng imbitasyon mula sa katatalaga pa lamang na punong mahistrado para sa launching ng RCAO 7 sa Cebu. 

"I was taken aback because we are invited only to a launching of the Regional Court Administration Office in Region 7, and we were not at all consulted and made to participate in this decision to reopen the Regional Court Administration Office," ani De Castro.

Aniya, iprinotesta niya ang Administrative Order (AO) 175-2012 ni Sereno na gagawa ng isang Judiciary Decentralization Office (JDO) at bubuhaying muli ang RCAO. 

Nang komprontahin sa isang en banc meeting, nangako umano si Sereno na babaguhin ang utos ngunit laking gulat niya nang sabihin ng Clerk of Court na "ratified" na ang resolusyon. 

Ito ang dahilan kung kaya isinulat niya ang naging kontrobersiyal niyang memorandum na kinokontra ang resolusyon ni Sereno.

Disyembre 2012 nang maglabas ng bagong resolusyon ang Korte na pinipigil muna ang proyekto ni Sereno.

Isa ang umano'y "unilateral" na pamumuno ni Sereno sa mga basehan na inilatag ni Atty. Larry Gadon sa kaniyang impeachment complaint laban sa punong mahistrado. 

Walang personalan

Sa kabila ng sinasabing iringan nila ni Sereno, iginiit ni De Castro na nananatili siyang may respeto sa Chief Justice. 

“I’m not after putting her down, I just want to correct what has been done to put things in order as decided by the court in previous resolutions,” ani De Castro.

Dagdag pa nito, wala raw siyang sama ng loob nang si Sereno ang italaga ni dating Pangulo Benigno "Noynoy" Aquino III bilang kapalit ng pinatalsik na Chief Justice na si Renato Corona kahit pa ito ang pinaka-"junior" sa kanilang hanay. 

“Your Honor, matagal na akong Justice, dalawampung taon na. Wala akong karapatan na maging Justice kung affected ako ng emotions. Kasi kung ganiyan ako na puro emotions at puro feelings, dapat umalis ako sa husgado,” ani De Castro.

"Itong pag-appoint kay Chief Justice Sereno, anong magagawa ko? The President appointed her. She was nominated by the Judicial and Bar Council. What should I do?"

Lumang mga bintang

Nanindigan naman ang kampo ni Sereno na walang bagong isiniwalat si De Castro at ang mga alegasyon ay hindi rin angkop sa isang impeachment proceeding.

"Wala talagang impeachable offense don. Iyon po 'yung ating takeaway doon. Wala naman po tayong narinig na bago...Kung 'yun ang basehan [ng impeachment] talagang sasabihin namin walang basehan ang complaint," ani Atty. Jojo Lacanilao, legal spokesperson ni Sereno.

Pero para kay Gadon, tapos na ang "boksing" dahil sa mga testimonya ni De Castro. 

"Malinaw na malinaw na iyan. In fact by this time baka inatake na sa puso si Justice Sereno niyan...Falsification naman talaga ito, maliwanag. Falsification resulting to culpable violation of the Constitution," ani Gadon. 

--May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.