Droga sa Taguig buy-bust, 'panlinis ng electronics,' delikado sa tao

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 04:51 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nagbabala ang Department of Health (DOH) na delikado sa kalusugan ang drogang nasamsam sa isang buy-bust operation na isinagawa sa isang hotel sa Bonifacio Global City sa Taguig.

Ayon sa DOH, delikado sa kalusugan ang gamma butyrolactone (GBL) at hindi ito idinisenyo para sa mga tao. 

Ginagamit din kasi ang GBL na sangkap sa panlinis ng electronics.

Bukod sa nakaka-'high' ang GBL, ginagamit din anila ito bilang date rape drug.

Sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan naaresto ang 11 lalaki sa isang hotel sa Taguig, nahuli sa akto ang ilan na gumagamit ng drogang GBL.

Ayon kay PDEA Director Aaron Aquino, target ng kanilang operasyon sina Edmond Remegio at Malik Coronel na sinasabing nagbebenta ng droga sa mga bar at club sa BGC.

Naabutan naman nila sa isang kuwarto ang dalawa kasama ang siyam na iba pa. 

Kasama sa mga nakumpiska ang mga tableta ng ecstasy, dalawang sachet ng shabu, at 12 bote ng GBL.

Aabot sa P340,500 ang halaga ng drogang narekober.

Ayon sa impormasyon ng PDEA, ginagamit ang mga droga sa mga club at rave party. 

Anila, karaniwang pinapatak sa inumin ang liquid ecstacy habang itinuturok o ini-inject naman ang iba para ‘mas matindi’ ang tama.

Sumailalim na sa inquest ang 10 sa 11 lalaki na nagpositibo sa ecstasy sa isinagawang drug test. 

Sinampahan sila ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Pinalaya naman ang isa na nagnegatibo sa drug test.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.