2 taxi, wasak matapos araruhin ang plant box sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2017 08:40 AM

Wasak ang 2 taxi matapos araruhin ng isa ang mga plant box sa Roxas Boulevard, Pasay City Martes ng gabi.

Pa-ekis-ekis umano ang takbo ni Rodolfo Espinoza paakyat sa northbound lane ng Buendia flyover hanggang tamaan nito ang mga plant box.

Natamaan din ni Espinoza ang taxi na minamaneho ni Rodelio San Pedro sa southbound lane.

"Nakita ko yung pa-ekis-ekis na ganun, sabay salpok. Bigla na lang may sumalpok sa akin," sabi ni San Pedro.

Hinabol ni San Pedro ang driver ng nakabanggang taxi na para umanong lasing pero hindi na niya ito napigilang umalis.

Binigay umano ni Espinoza ang number ng may-ari at nagsabi sa kanya na ito nalang mismo ang kausapin sa nangyari.

Ayon kay traffic enforcer Ambrosio Payumo Jr., posibleng kaharapin ni Espinoza ang mga kasong abandonment of victims at multiple malicious mischief.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.