'Umento sa suweldo, nakabatay sa ugali ng empleyado'

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 08:33 PM | Updated as of Nov 28 2017 11:41 PM

Lumabas sa isang survey ng World Bank na pinakamadaling ma-promote at tumaas ang suweldo ng mga taong may tinatawag na "socio-emotional skills".

Ito ang mga kakayahang may kinalaman sa pag-uugali o pakikitungo sa trabaho ng isang empleyado.

Base kasi sa resulta ng World Bank survey na "Skills Toward Employability and Productivity" (STEP), mas malaki ang itinataas sa suweldo ng mga empleyadong nakikitaan ng extraversion o pakikisalamuha sa mga katrabaho; openness o pagiging bukas sa komunikasyon; decision-making o kakayahang magdesisyon; conscientiousness o pag-iral ng konsensiya habang nagtatrabaho; agreeableness o marunong makisama; at emotional stability o may maayos na pakikitungo sa lahat.

Sinegundahan din ng online employment portal na Jobstreet.com, ang kahalagahan ng socio-emotional skills na repleksiyon ng pagkatao at pag-uugali ng isang tao.

Tugma rin ito sa resulta ng sarili nilang survey tungkol sa mga pangunahing skills na hinahanap ng mga employer sa Pilipinas.

"Attitude is top hiring factor, pag-uugali imbes na academic experience... Bukod sa kaalamang pang-teknikal gusto ring malaman paano ka makipagtrabaho," ayon kay Monica Palomares, marketing specialist ng Jobstreet.

Ayon sa Jobstreet, hindi lang kritikal ang socio-emotional skills sa pagtaas ng suweldo o ranggo sa isang organisasyon kundi sa mismong job application pa lang.

Ilang posisyon ang inaabot ng ilang buwan bago mapunan dahil maraming employer ang nakukulangan sa socio-emotional skills ng mga aplikante.

Ito rin ang dahilan kung bakit binuo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Jobstart Program na naglalayong sanayin ang mga nahihirapang matanggap sa trabaho.

Libre ang programa pero dahil limitado rin ang budget, nasa 4,000 trainee lang ang kayang ma-accomodate kada taon.

Pero epektibo anila ito dahil nasa 80 porsiyento ng graduate ng programa ang agad natatanggap sa trabaho.

Ayon sa DOLE, nakikipag-ugnayan na sa kanila ang Department of Education para maituro rin ang programa sa unang batch ng K to 12 senior high school para maaga silang maihanda sa pagkakaroon ng trabaho.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.