LRT-1 umandar nang bukas ang pinto; pasaherong mapilit nasisi

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2017 09:26 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Bumiyahe ang isang tren ng LRT-1 noong Lunes ng gabi habang nakabukas ang pintuan ng bagon, ayon sa isang pasahero nitong Martes.

Sa kuha ng netizen na si Jasob Ibe, makikitang nakabukas ang pinto habang tumatakbo ang tren mula Vito Cruz papuntang Quirino Station.

Itinuturing na "isolated case" ng pamunuan ng LRT ang insidente.

Ngayon lang umano ito nangyari sa Generation 2 na tren sa kabila ng 21 taon nitong pagbiyahe.

Karaniwan dapat humihinto ang tren kapag may nakabukas na pinto kahit ilang pulgada lang.

Pero sa pagkakataong ito'y posibleng nasira ang sensor dahil sa pagpuwersa umano ng isang pasahero na buksan ang pinto para makapasok sa tren.

Nang makarating sa Quirino Station, agad binusisi ng technical staff ng LRT ang pinto.

March 2016 nang kumalat ang video ng isang pasahero sa LRT-1 na nakasakay sa umaandar na tren habang nakabukas ang pinto.

Nakiusap naman ang pamunuan ng LRT-1 sa mga pasahero na huwag puwersahin ang pinto at maghintay na lang ng susunod na tren.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.