Ama pinagbabaril sa birthday party ng anak, 2 iba patay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2016 09:52 AM

MANILA - Pinatahimik ng mga putok ng baril ang maghapon na birthday party para sa isang dalawang taong gulang na bata sa kanyang bahay sa Bagong Silang, Caloocan, Linggo.

Ito'y matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang salarin ang ama ng bata at pito nitong kaibigan sa gitna ng kanilang inuman sa Barangay 176 dakong alas-7:45 ng gabi.

Tumakas ang gunman na nakatakip ang mukha, angkas ng isang motorsiklo.

Idineklarang dead on arrival si Joselito Dionson sa ospital. Hindi na rin naisalba sina Gernie Maga at Robbie Cabanisas, ang ama ng nagdiwang ng kaarawan.

Kwento ni "Lea," asawa ni Cabanisas, "Pinagtrabahuan niya, inipon para mapaghandaan ito. Umiiyak yung anak natrauma siya nanginginig nang makitang binaril... Masaya kami kanina napalitan ng ganito magpa-Pasko pa naman."

Aminado ang ama ng isa sa mga binaril na dating gumagamit ng droga ang anak pero tumigil na.

Binalaan pa anya niya ang anak na huwag nang sumama sa inuman dahil sa seguridad.

Itinanggi naman ng kaanak ng ibang mga biktima na drug user ang mga ito.

"Wala naman po silang atraso mababait naman po nagtatrabaho ng maayos. Bakit sila, dapat ung mga salbaheng tao na lang. Maayos naman silang naghahanapbuhay bakit ganoon," giit ng isang kaanak.

Inilipat ng ospital ang isa sa mga biktima na nasugatan sa iba't ibang bahagi ng katawan.

Agaw-buhay naman ang kapatid ni Cabanisas na si Rommel habang hindi na nagpagamot ang isa pang kapatid na si Berlin.

Panawagan ng misis ni Cabanisas, "Kay President Duterte... Sana gawan niya ng paraan itong EJK (extra-judicial killing) na ito. Binoto po namin siya sa sinasabi para sa pagbabago na maging maayos ang Pilipinas. Binoto namin siya pero di namin alam na kami yung madadamay."

Hinahanap ng pamilya ang nawawalang cellphone ni Cabanisas na tanging nakapag-record ng kaarawang nauwi sa trahedya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.