Trike driver na angkas ang anak, pinagbabaril ng riding-in-tandem

Ron Lopez, DZMM

Posted at Nov 27 2016 10:26 AM

MANILA - Patay ang isang tricycle driver sa pag-atake ng mga naka-motorsiklong gunman sa Barangay Payatas, Quezon City Sabado.

Namamasada ang biktimang habang angkas ang kanyang siyam na taong gulang na anak nang mangyari ang krimen sa Ilang-Ilang Street bandang alas-8:30 ng gabi.

Ayon sa ilang saksi, nagbaba lamang ng sakay ang 36-anyos na biktimang si Gerald Tud nang lapitan ito ng isang lalaking nakasuot ng bonnet at pagbabarilin.

Tumakas ang salarin sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasabwat na nakasuot ng helmet.

Hindi naman nasaktan ang anak ni Tud.

Pag-amin ng asawa ng biktima na si Jocelyn, drug user ang kanyang mister ngunit hindi naman aniya ito nagbebenta.

Gumagamit lamang umano ito ng droga upang manatiling gising kapag magdamag itong namamasada.

Naulila ng biktima ang kanyang tatlong maliliit na anak, kabilang na ang bunso nitong dalawang taong gulang.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.