Puhunan, trabaho, handog sa mga 'bakwit'

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 10:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Grocery at tindahan ng motor ang kabuhayan dati ng pamilya ni Racma Laguindab sa Marawi.

Subalit bigla itong nawala nang lumusob ng teroristang grupong Maute sa lungsod.

"Wala ka na, makaiyak ka kung makita mo ... naisip ko na wala na kaming babalikan," ani Laguindab.

Tanso at tela naman ang kabuhayan ni Mamintal Salic bago sumiklab ang sigalot.

"Masakit sa amin na nangyari iyon," ani Salic. "'Yong ibang mga stocks ... hindi naman nabebenta."

Kasabay ng rehabilitation sa napinsalang lungsod, sinisikap ng ilang ahensiya ng gobyerno na mabigyan ng kabuhayan ang mga residente.

Pinag-aralan ng Department of Trade and Industry (DTI) kung ano ang mga dating trabaho o hanapbuhay ng mga residente.

Dito ibabatay kung anong "kabuhayan kit" ang angkop na ibigay sa kanila.

"We gave them goods to sell and then nag-profiling tayo sabay with TESDA (Technical Education and Skills Development Authority) kung ano talaga 'yong dati nilang hanapbuhay," DTI Undersecretary Zeny Maglaya.

Ilan lamang sina Laguindab at Salic sa halos 6,000 residenteng nabigyan ng paunang tulong na puhunan at livelihood kit.

Umaasa ang mga bakwit na ang mga trabaho at kabuhayan nilang nawala sa digmaan ay mababawi at maitataguyod nilang muli.

Para sa iba pang pamilyang Maranao na naghahanap ng trabaho, maaaring magparehistro sa tanggapan ng DTI sa Iligan City at Marawi.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.