6 patay sa pamamaril sa loob ng bahay sa Pasig

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2016 10:43 AM

Patay ang anim na magkakaibigan sa loob ng hinihinalang drug den matapos pagbabarilin ng hindi pa nakilalang suspek sa Pasig City.

Nakilala ang mga biktima na sina Ranel Valenzuela, Alex Hongco, Jing Vidal, Anthony Jarilla, Johnson Miraballes, at Christian "Pogpog" Camongol.

Pasado alas-11 ng gabi nang makarinig umano ang mga residente ng Purok Acacia, Barangay Pinagbuhatan ng hindi na mabilang na putok ng baril pero walang nakakita sa mga suspek dahil madilim ang lugar at wala pang closed-circuit television (CCTV) system.

Maya-maya ay nagsidatingan na ang mga kaanak at kinilala ang mga biktima.

Bagama't hindi nila matanggap ang sinapit ng mga ito, ay aminado silang gumagamit umano ang mga biktima ng bawal na gamot.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, kilala ang bahay na ginagawa umanong drug den. Minsan ay umaabot pa umano sa 20 katao ang nagsisiksikan sa loob para gumamit ng iligal na droga.

Natagpuan ng Scene of the Crime Operatives ang ilang sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng methamphetamine o shabu sa crime scene, at mga basyo ng di pa malaman na kalibre ng baril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.