Binatilyong natutulog sa jeep, sinaksak

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 09:40 AM

Patay ang isang 15-anyos na binatilyo matapos saksakin Sabado ng madaling araw sa gilid ng Osmeña Highway sa Maynila.

Kuwento ng mga kaibigan ng biktima, nakatambay lang sila noon sa isang nakaparadang jeep sa gilid ng kalsada nang biglang may lumapit na isang matandang lalaki na mukhang lasing.

Nakisilong daw ang lalaki at sinabing doon siya sa jeep matutulog.

Pinaalis ng lalaki ang magkakabarkada pero hindi sila sumunod.

Maya-maya, kumain ang barkada pero naiwan ang biktima sa jeep para matulog.

Dito na umano sinaksak ng suspek ang binatilyo na agad niyang ikinamatay.

Agad namang tumakas ang suspek.

Ayon sa ama ng biktima, ilang araw nang hindi umuuwi sa kanilang bahay ang binatilyo. Palaisipan pa din sa kanya umano kung bakit pinatay ang kanyang anak.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.