13 anyos, hinalay umano ng mister ng kanilang kasambahay

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2017 11:33 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang 52 anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang 13 taong gulang na dalagita habang wala ang pamilya niya sa bahay.

Nanggagalaiti si alyas "Sabrina," ang tiyahin ng 13 anyos na estudyante, nang magpang-abot sila ng itinuturong nanghalay sa kaniyang pamangkin.

Asawa ng kanilang kasambahay ang suspek na si Bernardo Caber.

Hindi akalain ni Sabrina na ang taong pinagkatiwalaan niyang bantayan at alagaan ang pamangkin ang siya pang aabuso rito.

Nakatunog na si Sabrina na may nangyayaring mali nang magbilin ang kaniyang pamangkin na huwag iwan ang susi ng bahay sa kanilang kasambahay na stay-out.

Pero nitong Biyernes nang muling maiwan ang biktima na mag-isa sa bahay, inulit umano ng suspek ang panghahalay kaya nagsumbong na ang dalagita.

Agad na rumesponde ang Quezon City Police District at inaresto si Caber sa bahay niya sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Aminado ang suspek na minolestiya niya ang bata pero hindi raw niya ito hinalay.

Dati nang nakulong si Caber dahil sa frustrated murder at aminado rin siyang dating gumagamit ng droga.

Sasailalim ang biktima sa counseling na ayon sa kaniyang tiya ay nagkaroon ng trauma.

--Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.