MPD, nangako ng maximum tolerance sa Black Friday protest

ABS-CBN News

Posted at Nov 25 2016 03:37 PM

MANILA – Maximum tolerance ang umanong paiiralin ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na magbabantay sa paligid ng Quirino Grandstand, kung saan gaganapin ang Black Friday Protest kontra sa naganap na libing ni dating pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. 

Ayon kay MPD Public Information Officer Superintendent Marissa Bruno, nakaantabay ang mga pulis Maynila mula sa iba’t ibang istasyon para siguruhing magiging payapa ang pagdaos ng protesta Biyernes ng hapon. 

Walang permit ang rally kasunod na rin ng sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magsagawa ng kilos protesta at ipahayag ang mga hinaing basta’t hindi makakaabala sa publiko. 

Dagdag ni Bruno, sapat ang bilang ng mga pulis na itatalaga sa iba’t ibang lugar. Nakiusap rin sila sa mga lider ng mga rallyista at mga dadalo na panatilihing maayos ang isasagawang protesta. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.