Pagtutusok ng tainga, lunas sa pagkalulong sa droga?

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 11:42 PM

Isinusulong ng grupong Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care (PITAHC) sa Department of Health (DOH) ang paggamit ng ear acupuncture bilang lunas sa mga naadik sa ilegal na droga.

Sa pagdiriwang ng traditional and alternative care month, sinabi ng PITAHC na kabilang ang ear acupuncture at homeopathy sa ginagawan nila ng pag-aaral katuwang ang National Detoxification Acupuncture Association (NADA).

"Ear acupuncture ay for detoxification to relieve the symptoms of drugs...[With] the use of natural air, water, food, exercise and the right amount of sleep, we will see if there will be a drop once we employ this in the community," paliwanag ni Dr. Annabelle Pabiona de Guzman, director general ng PITAHC. 

Isa si alyas "Tony" sa mga masuwerteng maagang nagbenepisyo sa ear acupuncture na isinagawa sa ilang mga drug surrenderee sa Brgy. Culiat, Quezon City. 

Tatlumpung taong nalulong sa shabu si Tony, na 23 anyos nang unang makatikim ng droga.

"Simula nung natusok ako sa acupuncture gumaan at guminhawa pakiramdam ko...Maganda kasi lahat ng toxin sa katawan namin naalis," ani Tony.

Base sa tala ng Dangerous Drugs Board (DDB) ngayong 2017, aabot sa 4.8 milyon na 10-69 taong gulang ang sumubok ng droga. 

Sa bilang na ito, halos 1.8 milyon ang kasalukuyang lulong pa sa droga.

Nangunguna ang shabu, pangalawa ang marijuana sa mga sinasabing pinakaginagamit ng mga na-admit sa rehab centers.

Bukas naman ang chairman ng DDB sa planong pag-aaral.

"Baka 'yan pala din ang isa sa mga sagot kaya natin pag-aaralan...If it's okay ia-adopt natin 'yan para it can help sa ating kampanya," ani Benjamin Reyes, chairman ng DDB.

Sinabi ng NADA na naumpisahan na rin ang ear acupuncture sa ilang drug surrenderees sa Cordillera region at Infanta, Quezon.

Ilulunsad din ito sa San Juan at Marikina sa susunod na buwan.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.