'Drug-free ang pamilya ko' sa attendance sheet ng paaralan, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Nov 24 2017 11:14 PM | Updated as of Nov 24 2017 11:29 PM

Kumakalat ngayon sa social media ang mga tweet ni Nica Dumlao, magulang ng isang estudyante sa General Roxas Elementary School sa Quezon City. 
    
Dito niya inilabas ang kaniyang pagkadismaya nang ipakalat umano sa mga classroom ang isang sign-up sheet para sa isang anti-drug campaign. 

Sa ibabaw ng papel nakasulat ang katagang "Ang aming family ay drug-free." 

Pero ang kaniyang labis na ikinainis ay ang naging biro ng isang guro.

"One teacher said that whoever doesn't sign is a drug addict," pagbabahagi ni Dumlao.

Aminado si Dumlao na hindi niya sinusuportahan ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga lalo't ilan sa mga naging biktima nito ay mga bata. 

Tutol din siya sa ginamit na slogan ng eskuwelahan dahil baka paghinalaang adik ang mga hindi pipirma rito. 

"Illegal drugs is not a laughing matter. Hindi dapat sa ganitong paraan. Puwede namang ibang paraan na lang," hinaing ni Dumlao. 

Paliwanag naman ng eskuwelahan, hindi obligado ang mga magulang na pumirma sa tinawag nilang "attendance sheet."

Anila, bahagi lang ito ng aktibidad ng Anti-Drug Abuse Advisory Council kung saan pinapanood sa mga magulang ang isang video tungkol sa ilegal na droga. 

Inako na rin ng teacher ang pagkakamali niya sa kaniyang naging biro. 

Ayon naman kay Dr. Juan Obierna, Chief Education Supervisor ng lungsod, maganda sana ang intensiyon ng aktibidad ng eskuwelahan pero sumablay sila sa ginamit na slogan. 

"Nu'ng nakita ko pa lang, sabi ko hindi tama kaya pina-shred ko talaga yung ginawa nilang attendance sheet...They had good intentions naman kaso mali 'yung words," ani Obierna.

Sa ngayon, tinanggal na ng eskuwelahan ang naturang attendance sheet. 

Walang ipapataw na parusa sa eskuwelahan lalo't wala naman itong masamang intensiyon pero magsilbi rin daw sanang leksiyon ito sa ibang paaralan na maging mas maingat lalo na sa sensitibong usapin gaya ng illegal drugs. 
    
--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.