Higit P11-milyong halaga ng marijuana, sinunog ng PDEA

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 09:09 PM

Sinunog at sinira ang higit P11-milyong halaga ng marijuana sa boundary ng Sugpon, Ilocos Sur at Kibungan, Benguet nitong linggo.

Sa tulong ng tip ng isang concerned citizen, nadiskubre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 at Cordillera, kasama ang Sugpon Police at Regional Public Safety Battalion 1, ang pitong plantation site ng marijuana sa Mt. Baukok at Mt. Natiktikan sa disputed boundaries ng Ilocos Sur at Benguet.

Nasa higit 24 pirasong fully grown marijuana at higit 4,000 pirasong marijuana seedlings ang sinunog at sinira.

Aabot sa P11.4 milyon ang halaga ng mga ito.

Sinunog din ang 50 kilong dried marijuana na nakita sa Mt. Natiktikan.

Hindi muna pinangalanan ng awtoridad ang mga taong nasa likod umano ng pagtatanim ng marijuana sa lugar habang kumakalap pa ng sapat na ebidensiya.

Ngunit kung sakaling mahuli ang mga salarin, maari silang makulong habambuhay.

Hiling ng La Union Police na maibalik na ang mga pulis sa anti-illegal drug campaign dahil pahirapan ang ilang operasyon.

"Even the PDEA, tinatanggap na kulang 'yung tao nila. Sayang naman 'yung nasimulan ng PDEA at PNP na pagki-clear ng barangay. Sa amin sa province of La Union, gusto namin kasama ang PNP sa anti-drug campaign," paliwanag ni Senior Supt. Rodelio Samson, hepe ng pulisya sa lalawigan.

Sa kasalukuyan, may mga lugar pa rin na mino-monitor ang PDEA Region 1.

Kamakailan lang ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte and PDEA na pangunahan ang kampanya laban sa droga. Nitong Miyerkoles, sinabi ni Duterte na pinaplano niyang ibalik ang pulisya sa kampanya. 

Mayroon lamang halos 2,000 na tauhan ang PDEA samantalang higit kumulang 175,000 naman ang pulisya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.