Binakbak na daan sa Roxas Boulevard, nagdulot ng 2 aksidente

ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 12:14 PM | Updated as of Nov 23 2017 09:37 PM

Nagdulot ng matinding trapiko at perwisyo sa mga motorista ang binakbak na daan sa southbound lane sa Roxas Boulevard nitong Huwebes.

Dalawang aksidente ang nangyari noong madaling araw, ayon sa tauhan ng Manila Polcie District Traffic Enforcement Unit at ilang motorista, dahil sa binakbak na daan sa pagitan ng Padre Faura Street at Pedro Gil Street.

Alas-4 ng madaling araw, nagkaroon ng banggan sa pagitan ng isang taxi at closed van.

Naiwan tuloy ang van na nakaharang sa outer lane ng kalsada na naging sanhi naman ng matinding trapiko.

Alas-2 ng madaling araw, nagsalpukan naman ang isang sports utility vehicle (SUV) at motorsiklo.

Ayon sa driver ng SUV na si Doey Puyong, biglaan siyang nagpreno nang makita na malalim ang pagkakabakbak sa daan.

Wala kasing karatula na nagsasaad na may bakbak sa kalsada.

Matulin naman ang takbo ng motorcycle rider na si Joedylume Sanchez.

Ayon kay Mike Macud, engineer sa Department of Public Works and Highways, ang binakbak na aspalto'y bahagi ng asphalt overlay project ng kanilang ahensiya.

Layunin ng proyekto na palitan ng mas matibay at makapal na aspalto ang kalsada.

Inaasahang matatapos ang proyekto sa Enero. Pansamantala munang ihihinto ang paggawa rito dahil sa Kapaskuhan.

-- Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.