2 huli sa buy-bust sa Naga City; P600-k halaga ng shabu nasamsam

Kate Delovieres, ABS-CBN News

Posted at Nov 23 2017 06:18 PM | Updated as of Nov 23 2017 08:59 PM

Huli sina Cesar Galiza at Marilex Arbuis sa isang buy-bust operation sa Naga City Huwebes ng umaga. Handout

NAGA CITY – Nakumpiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may P600,000 halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation dito sa siyudad Huwebes ng umaga.

Huli si Marilex Arbuis at ang kinakasamang si Cesar Galiza ng Del Rosario, Naga City nang magbenta ng may 100 gramo ng droga sa operatiba ng PDEA na nagpanggap na buyer.

Naganap ang transaksiyon sa bus exit gate ng Bicol Central Station matapos ang magdamag na pagbabantay sa mga suspek.

Si Arbuis ang mismong ka-transaksiyon ng poseur buyer. Sa Maynila din daw nagmula ang kanilang supply.

Sa impormasyon ng PDEA, malakihan ang transaksiyon ng mga suspek sa Naga at ang kanilang operasyon ay umaabot sa mga karatig-bayan.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek. 

Dagdag ng PDEA, malakas na kaso ang kinakaharap nina Arbuis at Galiza sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa datos ng PDEA, ito na ang ika-23 drug operation nila sa Camarines Sur ngayong taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.