Negosyante, arestado matapos ma-hit-and-run ang ilang sasakyan

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 05:15 AM | Updated as of Nov 23 2017 02:10 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Courtesy of Crisdale Pasion

Arestado ang isang negosyante matapos niyang banggain ang tatlong sasakyan sa Commonwealth Ave., Quezon City Martes ng gabi.

Kinilala ang nahuli na si Ninyo San Gabriel na nakunan ng dalawang baril. Isa rito ay hindi umano lisensyado.

Unang nangyari ang insidente pasado alas-10 ng gabi matapos sagiin ng SUV na minamaneho ni San Gabriel ang isang UV Express.

"Bigla na lang po kami binangga sa gilid," sabi ni Benjamin Dela Cruz, driver ng UV Express.

Binunggo umano ni San Gabriel ang UV Express ng ilang beses at hindi huminto matapos habulin ni Dela Cruz.

"Nung una, akala ko talaga normal na sagian lang. Tapos nung sinadya niya na kaming bungguin, ayun, dun na ako natakot," kwento ni Crisdale Pasion, pasahero ng UV Express.

Hinabol ng mga tanod ang SUV na na-corner sa Barangay Holy Spirit.

Iniharang pa ni Richard Venturina, isang public order and security officer, ang kanyang motorsiklo sa harap ng SUV para hindi ito makatakbo.

Pero inararo ng SUV ang motorsiklo matapos hingan si San Gabriel ng lisensya.

Sa habulan, nasagi ang kotse ng isang rumespondeng volunteer.

Nang makarating sa Don Antonio, nasapul ng mga pulis ang gulong ng sasakyan.

Napilitan ang mga pulis na basagin ang salamin ng SUV dahil hindi nagbukas ng bintana si San Gabriel.

"Nakainom po kasi siya kaya hindi masyadong makausap ng maayos. Hindi raw niya alam ang nangyari dahil nakainom," sabi ni PO1 Dexter Tomi ng Quezon City Police District Station 6.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media ang nahuli.

Mahaharap si San Gabriel sa patong-patong na kaso kabilang ang illegal possession of firearms, direct assault, disobedience to person in authority, at reckless imprudence resulting in damage to property.

Watch more in iWantv or TFC.tv
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.