Mga abogado ni Sereno, bigong makilahok sa pagdinig ng impeachment

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 04:30 PM | Updated as of Nov 22 2017 08:41 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hindi pinayagan ng House justice committee na ma-cross examine ng mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga testigo at ang naghain ng impeachment complaint laban sa kaniya na si Atty. Lorenzo Gadon.

Sa botong 30-4, ibinasura ng komite ang hiling ng kampo ni Sereno, dahilan para umalis sa pagdinig ang kaniyang mga abogado na pinamumunuan ni Atty. Alexander Poblador. 

Una nang pinagbotohan ng komite na huwag payagang sumali sa impeachment proceedings ang mga hindi miyembro ng justice panel.

Kaya't depensa ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, kung ang mga kongresistang hindi miyembro ng komite ay hindi binigyan ng partisipasyon, gaano pa ang mga pribadong abogado? 

Nais kasi ng mga kongresista na si Sereno mismo ang humarap at mag-cross examine kay Gadon at mga testigo, na tinututulan naman nina Poblador dahil labag umano ito sa kaniyang "right to counsel."

Matapos lumiban sa pagdinig, nagbigay ng pahayag ang kampo ni Sereno sa pamamagitan ng email.

"It is deplorable that we should have to resort to rebuttal by email just to ensure that our side is heard. It is apparent that the pursuit of truth has been put aside in favor of biased political interest. The Chief Justice maintains that she is innocent of the charges against her," ani Poblador.

Hinaing nila, may karapatan silang makasagutan si Gadon bilang kinatawan ni Sereno. 

Sakaling humantong sa Senado ang impeachment, sigurado umano silang matagumpay na maipagtatanggol si Sereno mula sa akusasyon. 

"We are looking forward to have this case brought before the Senate and we are confident that we will be able to defend the Chief Justice there consistent with her constitutional rights," dagdag ni Poblador. 

Ilang depekto

Nang busisiin na ng komite ang batayan ng reklamo, nadiin ang dati nang alam ng mga kongresista na walang personal knowledge si Gadon sa mga bintang niya.

Anila, tila umaasa lang ito sa mga dokumentong nakuha niya at testimoniya ng testigong ipatatawag pa lang.

Umamin din si Gadon na balita sa media ang ilan sa mga basehan niya at ni hindi niya nakakausap nang personal si Supreme Court Associate Justice Teresita de Castro, na makailang-ulit nabanggit sa kaniyang impeachment complaint. 

"Iyon pong aking allegations ay base sa certified true copies issued by the SC. Sinasabi ko na yung authenticity and incidents ay mapu-prove din ng mga taong nag-issue," depensa ni Gadon.

Para magkaalaman na, pinaimbitahan ng komite ang lahat ng mahistrado ng Korte Suprema pati mga dati at kasalukuyang opisyal ng SC at Judicial and Bar Council (JBC).
    
Pinadadalo rin si Justice Secretary Vitaliano Aguirre at mga Sandiganbayan justices.
    
Pinasa-subpoena maging ang mga dokumento na umano'y pineke ni Sereno.

Mga personalidad na pinadadalo sa susunod na pagdinig:

  • SC Justices
  • Retired SC Associate Justice Arturo Brion
  • SC Clerk of Court Felipa Anama
  • Assistant Court Administrator Lilian Barribal Co
  • Former SC Clerk of Court Enriqueta Esguerra Vidal
  • Chief of the SC Public Information Office Theodore Te
  • Deputy Clerk of Court Anna-Li R.Papa-Gombio
  • Court Attorney IV Jocelyn Fabian
  • SC Chief Judicial Staff Officer Charlotte Labayani
  • Fiscal Management and Budget Office staff Corazon Ferrer Flores
  • Sandiganbayan Justice Geraldine Faith Econg
  • Sandiganbayan Justice Zaldy Trespeses
  • JBC member Jose Mejia
  • QC Metropolitan Trial Court Judge Janet Samar 
  • Office of the Chief Justice staff Czarina Samonte Villanueva
  • DOJ Secretary Vitaliano Aguirre

Patatawag din ang reporter na si Jomar Canlas ng pahayagang Manila Times na nakausap umano ni De Castro tungkol sa temporary restraining order na sinasabing pineke ni Sereno.

Tinanggi naman ni De Castro na nagbigay siya ng impormasyon kay Canlas tungkol sa Korte Suprema.

"I have never released to Jomar Canlas any information, report, or document regarding the work of the court."

Raratsadahin sa komite ang hearing sa mga susunod na araw para sa magkabotohan na sa plenaryo pagdating ng Disyembre 13.

--May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.