Lasing, arestado nang mag-amok, magpanggap na ISIS sa bus terminal

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 04:45 PM

Arestado ang isang lalaking nag-amok sa isang terminal ng bus sa Baguio City matapos manakot na may dalang bomba at nagpakilala pang miyembro ng ISIS.

Kuwento ng security officer ng PNR compound Baguio na si Eduardo Padilla, hindi umano napansin ng stewardess na lasing ang isa sa mga chance passenger na si Joliver Cotcoto, 19 anyos, dahil dagsa ang pasahero sa terminal noong Linggo ng gabi. 

Nagwala aniya ito nang walang maupuan sa loob ng bus na biyaheng Pasay.

Sinubukan itong pigilan ni Padilla ngunit nabigo ito.

"Pinagsisigaw pa niya na miyembro siya ng ISIS, Abu Sayyaf, at ilang iglap na lang may sasabog na umano dito na bomba, iyun lagi sinisigaw niya," pagbabahagi ni Padilla. 

Agad namang rumesponde ang ibang security guard sa lugar. 

Nag-panic ang mga pasahero na sinubukan na lang pakalmahin ng mga staff.
 
Umabot pa sa puntong pinatawag ng establisimyento ang SWAT upang pigilan ang nag-aamok na lalaki.

Dinala ang suspek sa pinakamalapit na istasyon ng pulis at sinampahan ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 1727 o Anti-Bomb Joke Law.

Maaari siyang makulong ng limang taon o higit pa, at magmulta ng P40,000.
 
"Ngayon po 'yung tao na 'yun nakasuhan, in-inquest natin sa city prosecutor, ngayon nakakulong na sa Baguio City Jail," ani Senior Inspector Julius Basinga, OIC ng Station 6.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanan ng pahayag ang suspek pero tumanggi ito.

--Ulat ni Marianne Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.