Budget para sa 'tokhang', hindi dapat tapyasan: DBM

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 07:10 PM

Tinanggalan man ng kapangyarihang makialam sa kampanya kontra droga, dapat pa ring manatili sa Philippine National Police (PNP) ang kanilang budget na nakalaan sana sa "Oplan Tokhang".

Ito ang sagot ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benajamin Diokno nang tanungin ang kahihinatnan ng P900 milyong alokasyon.

“Just keep it there, kasi whether it’s anti-drugs, anti-criminality, it is still underfunded,” ani Diokno.

Matatandaang iniatas na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangunguna sa pagsugpo sa ilegal na droga sa bansa.

Ayon kay Diokno, maaari namang gamitin ang pera para sa pagbili ng mga body camera at iba pang kagamitan para sa kapulisan. 

Kinontra din ni Diokno ang suhestiyon na dapat ilaan na lamang ang pera sa pagpapagawa ng mga kabahayan.

“Alam mo, maraming pera sa housing, hindi lang nagagastos. We made it clear that our preference is to keep it there,” sagot ni Diokno.

May iba rin umanong pagkukuhanan ng budget ang PDEA at hindi na kinakailangan pang magmula sa budget para sa sinuspindeng "tokhang".

Nito lamang Martes, tinalakay sa Korte Suprema ang legalidad ng kontrobersiyal na programa matapos maghain ng petisyon ang ilang kaanak ng biktima.

--Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.