2 alkalde, dumepensa sa pagkakadawit sa narco-list

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 05:03 PM | Updated as of Nov 22 2017 06:35 PM

Hawak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga personalidad na umano'y may kaugnayan sa ilegal na droga. Ezra Acayan, Reuters

Politika ang itinuturong motibo ng dalawang alkalde sa kanilang pagkakadawit sa listahan ng mga opisyal sa gobyerno na umano'y sangkot sa ilegal na droga.

Ayon kay Antonio Halili, alkalde ng lungsod ng Tanauan sa Batangas, walang dahilan para iugnay siya sa ilegal na droga dahil mismong ang mga patakaran niya'y naglalayong sugpuin ito.

Si Halili ang nagpasimula ng "Walk of Shame" sa mga nahuhuling suspek na sangkot sa droga at iba pang krimen.

"It defies logic ... kung drug peddler ka, bakit mo hihiyain 'yong mga gumagamit ng drugs, bakit mo kakausapin na tumigil?" pahayag ni Halili nitong Martes.

"I sympathize with the President pero mayroong mga PNP (Philippine National Police) personnel na sumisira ... makakasira ito sa programa ng Presidente," aniya.

Hinamon ni Halili ang police intelligence officer na nagdamay sa kaniya sa "narco-list" na maglabas ng ebidensiya.

Aniya, handa siyang magbitiw sa puwesto at magbayad sa intelligence officer ng P1 milyon kapag napatotohanan ang mga paratang.

Isa si Halili sa mga tinanggalan ng National Police Commission (Napolcom) ng operational supervision at control sa pulisya matapos makatanggap ang ahensiya ng impormasyong sangkot ang alkalde sa ilegal na droga.

Ayon naman kay Jefferson Khonghun, alkalde ng Subic sa Zambales, maaaring sinisiraan siya ng mga kalaban sa politika dahil sa balak niyang tumakbong gobernador.

"Last term ko na bilang mayor and we're gearing up to run for governor this next election, this is the reason why kung kaya ganito ang nangyayari sa amin," ani Khonghun.

"We will not give up, we will not fold, we will continue fighting because we want better lives for our kababayan in Zambales," giit ni Khonghun.

Nitong Martes ng umaga, nagsuot ng kulay itim ang mga dumalo sa isang flag ceremony upang magpakita ng suporta sa alkalde.

Maliban kay Khonghun, may iba pang mga alkalde mula Central Luzon na nasa narco-list. Kabilang dito sina Andres Lacson ng Concepcion, Tarlac; Edgardo Pamintuan ng Angeles, Pampanga; at Erlon Agustin ng Camiling, Tarlac.

-- May ulat ni Angel Movido at Roland Blanco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.