Cement mixer tumagilid sa Commonwealth

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2016 10:02 AM

MANILA - Nagsikip ang trapiko sa Commonwealth Avenue matapos tumagilid ang isang cement mixer sa paanan ng Tandang Sora Flyover, Martes.

Sa ulat na natanggap ng Metro Manila Development Authority (MMDA), sinuyod muna ng cement mixer ang gilid ng flyover bago ito tuluyang tumagilid dakong alas-4 ng umaga.

Isang poste rin ang natumba kaya pansamantalang isinara muna ang flyover, pero binuksan rin ito sa mga motorista makalipas ang halos 30 minuto.

Hanggang pasado alas-7 ng umaga, sinusubukan pa rin ng crane ng MMDA na hatakin ang cement mixer na sumakop sa tatlong linya sa southbound lane.

Dagdag pahirap sa mga awtoridad ang sementong tumapon mula sa mixer at tumigas na sa kalsada.

Base sa markings ng cement mixer, napag-alamang pag-aari ito ng New San Jose Builders Incorporated.

Agad namang tumakas ang driver ng truck na wala pang plaka. -- Ulat ni Jeff Hernaez at Fred Cipres, DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.