Mga pasimuno at kaaway ng 'tokhang', maghaharap sa korte

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 03:08 PM

Nakatakdang talakayin ngayong Martes ng hapon ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga petisyong isinampa laban sa giyera kontra droga ng pamahalaan at mga operasyong "tokhang" ng pulisya.

Ito'y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga naghain ng reklamo at ang gobyerno na ipagtanggol ang legalidad ng kani-kanilang mga panig sa isyu.

Dalawang consolidated o pinagsama-samang reklamo ang nakahain sa Korte Suprema: ang Almora petition na itinataguyod ng mga abogado ng Free Legal Assistance Group (FLAG), at Daño petition ng mga abogado mula sa Center for International Law (Centerlaw) - Philippines.

Nais ng Almora petition na ideklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas ang Philippine National Police (PNP) Command Memorandum Circular (CMC) No. 16-2016 at Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular 2017-112.

Ang PNP memorandum ay ang naging legal na basehan sa pakakaroon ng Oplan Double Barrel, na pangunahing programa ng pulisya kontra droga. 

Bunga naman ng DILG memorandum ang pagkakaroon ng mga "drop box" o kahon na puwedeng pagsumbungan sa mga taong may kaugnayan sa droga o katiwalian.

Ang Daño petition naman ay isinampa laban sa mga operasyong tokhang ng Manila Police District (MPD). 

Mayroon itong 47 petitioners na pinangungunahan nina Sister Ma. Juanita Daño ng Religious of the Good Shepherd, at ni Francisco Blanco Jr., kapatid ng isa umanong biktima ng tokhang.

Nitong Oktubre ay tuluyan nang tinuldukan ng PNP ang kontrobersiyal na programa matapos ilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang responsibilidad sa "war on drugs" sa Philippine Drug Enforcement Agency. -- May ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.