'Hinahalay bago ang training': 12 anyos na atleta, ginahasa ng coach

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 10:14 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Hinahanap pa rin ng mga awtoridad ang dating volleyball coach sa isang paaralan sa Marikina na ilang beses umanong nanghalay sa kaniyang manlalaro.

Ilang buwan na ang lumipas mula nang matuklasan ng ina ng 12 anyos na biktima ang panghahalay pero hindi pa rin natutunton ang suspek na kinilalang si Dennis Laping.

May tatlong warrant of arrest laban sa suspek.

Nahaharap si Laping sa kasong statutory rape sa Antipolo at Marikina, at qualified seduction sa Marikina matapos nitong makailang ulit halayin ang biktima. 

Kuwento ng ina ng biktima, nabasa nito ang mga text message sa pagitan ng kaniyang anak at ng coach nito.

Umamin ang biktima, na dalawang taon nang varsity player ng volleyball, na may nangyari sa kanila ng kaniyang coach.

Madalas pa umanong nangyayari ang panghahalay sa loob ng sasakyan ng suspek bago ang mismong pagsasanay. 

Ilang ulit din itong dinala at ginahasa sa isang motel sa Antipolo.

Sa pagitan ng Pebrero at Abril ngayong taon, mahigit 10 beses umanong ginalaw ang bata.

Matapos magtalik, pinaiinom pa umano ng suspek ang biktima ng walong tableta ng contraceptives.

Una nang nahuli ang suspek sa isang entrapment operation noong Abril pero kalauna'y nakalaya at hindi na natunton.

Sumama ang loob ng magulang sa pamunuan ng paaralan dahil sa pagpapabaya nitong lumabas ang biktima kasama ang coach.

Ayon sa abogado ng biktima, may kapabayaan ang paaralan at dapat panagutin.

Nananawagan ang pamilya ng biktima na itawag sa numerong 0915-049-0104 sakaling may impormasyon sa suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.