11 abogado, kakatawan kay Sereno sa pagtalakay sa impeachment sa Kongreso

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 07:33 PM | Updated as of Nov 22 2017 12:10 AM

File Photo

Sinulatan ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang House justice committee para pormal na ipaalam ang pagkatawan sa kaniya ng mga abogado sa pagtalakay ng komite kung may sapat na basehan o probable cause ang reklamong impeachment laban sa punong mahistrado.

Nakatakda ang pagdinig sa Miyerkoles, Nobyembre 22.

Sa bisa ng special power of attorney, binigyan ng buong karapatan sa kaso ang 11 abogadong kakatawan kay Sereno.

Hindi masabi ng kampo ni Sereno kung anong schedule ng punong mahistrado sa Miyerkoles, pero iginiit ang karapatan niyang katawanin ng abogado sa pagdinig.

Labag din umano sa due process kung ipagkakait ito sa kaniya.

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nauna nang iginiit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na kailangang personal na humarap si Sereno sa pagdinig ng komite ng Kamara. 

Binalaan din ni Alvarez ang kampo ng punong mahistrado sa posibleng pagdulog sa Korte Suprema sakaling igiit ng Kamara na si Sereno mismo, at hindi mga abogado niya lamang, ang humarap sa impeachment hearings.

Kabilang na rito ang pag-cross examine o ang pagkuwestiyon mismo ni Sereno sa ebidensiya at testimonya ng mga tetestigo laban sa kaniya.

"E baliw pala siya e, para siyang hindi abogado. E alam niya naman ang impeachment case, e siya 'yong ini-impeach, hindi 'yong mga abogado niya. So personal ito, kailangan niyang humarap dito at magpaliwanag, depensahan ang sarili niya," ani Alvarez. "Ngayon 'yong sinasabi niyang right to counsel, ok lang 'yon, kung hindi siya marunong mag-cross examine, e di magsama siya ng abogado, 'yon ang pagsalitain niya. Pero kailangan siyang nandirito," sani ni Alvarez. 

Pero giit ng tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Josa Deinla, bukod sa karapatan ni Sereno na katawanin ng mga abogado, dapat ding mabigyang linaw muna ang magiging sistema sa pagdinig ng komite ng Kamara.

Nakahanda na rin daw ang mga tugon ni Sereno sa articles of impeachment na isinampa ni Atty. Lorenzo Gadon.

Kabilang sa mga alegasyon laban kay Sereno ang umano'y di niya pagdedeklara ng tamang kita sa kaniyang statement of assets, liabilities, and net worth, hindi pagbabayad ng tamang buwis, at pagiging maluho at korap dahil sa pagbili niya ng P5 milyong halaga ng SUV at pagbiyahe ng business class sa eroplano.

Sa isang naunang panayam, pinabulaanan na ni Sereno ang mga naturang akusasyon.

Pagbobotohan naman ng komite bukas kung bibigyan ba ng boses sa deliberasyon ang mga abogado ni Sereno.

"We will try to resolve this impeachment case the fairest way possible," ani House justice committee chair Reynaldo Umali. "This is the opportune time for her [Sereno] to present her case para po mas maintindihan lalo ng mga miyembro naming boboto. Kasi kung isang panig lang po ang mapapakinggan namin dahil ayaw lumahok ng depensa, 'yon ang pagbabasehan ng aming komite sa pagboboto ng probable cause." 

Sinabi naman ng Malacañang na nakapaloob sa Konstitusyon ang impeachment at nasa kamay na rin ng Kamara ang pagdinig sa impeachment complaint kay Sereno.

-- May ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.