Detachment ng militar sa Shariff Aguak pinasabugan umano ng BIFF

Lore Mae L. Andong, ABS-CBN News

Posted at Nov 18 2017 04:47 PM

Pinasabugan ng hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang detachment ng 40th Infantry Battalion sa Sitio Bagong Barangay Timbangan sa Shariff Aguak, Maguindanao Biyernes ng gabi.

Ayon sa militar, hinagisan ng granada ang labas ng detachment, pati ang likurang bahagi nito. 

Inihagis umano ang unang granada sa labas ng detachment, sa barikada ng checkpoint sa kalsada. Nag-iwan ito ng butas sa kalsada.

Makalipas ang 20 minuto, pinasabugan naman ng M-203 grenade ang likurang bahagi ng detachment.

Gumanti ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa sandaling putukan laban sa mga hinihinalang miyembro ng BIFF.

Walang naiulat na nasaktan sa insidente.

Ayon kay 6th Infantry Division Spokesperson Capt. Arvin Encinas, posibleng ganti ng grupo ang pagsalakay sa detachment sa nagpapatuloy na operasyon ng militar laban sa kanila sa mga lugar ng Salbo, Pagatin, Mamasapano, at Shariff Aguak, na tinatawag na SPMS Box.

Sa kasalukuyan, tahimik ang buong probinsya ng Maguindanao.

Nananatiling alerto naman ang mga awtoridad sa posibleng pagsalakay ng armadong grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.