Taxi driver, sugatan matapos holdapin sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 17 2017 06:47 AM

Sugatan ang isang taxi driver matapos umanong holdapin ng kanyang pasahero sa Batasan Hills, Quezon City Biyernes ng madaling araw.

Nagtamo ng saksak sa kanyang kamay si Franklio Sasoter.

Ayon sa biktima, pinara ng hindi pa nakikilalang pasahero si Sasoter sa may Filinvest 1.

Nagpahatid umano ang suspek sa Talanay area at hinayaan lang niya itong magturo ng daan.

Pagliko nila sa isang madilim na lugar, nagdeklara ng hold-up ang pasahero. Tinutukan si Sasoter ng patalim sa dibdib.

Kwento ng biktima, nagmakaawa siyang huwag patayin dahil may dalawa siyang anak.

Para hindi siya saktan, binigay ni Sasoter ang P1,000 niyang kita. Akala niya papabayaan na siya ng suspek pero nagalit umano ito dahil kulang ang pera.

Nang saksakin na siya ng suspek, naharang nito ng kanyang kamay.

Ayon kay Sasoter, kung hindi niya napigilan yun, sigurado raw na sa dibdib ang diretsyo ng kutsilyo.

Inilarawan ng biktima na nasa 5'3" ang taas ng suspek. Iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.