Pangakong 'komportableng' piitan sa 2 Russian, pinalagan ng CHR

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 01:41 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Inalmahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Russia na bibigyan ng komportableng piitan ang dalawang Ruso na naaresto dahil sa drug trafficking sa bansa noong 2016. 

Isa kasi ito sa napag-usapan nina Duterte at Russian Prime
Minister Dmitri Medvedev sa kanilang pulong sa kalagitnaan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Pangako pa ng Pangulo kay Medvedev, bibigyan ng patas na pagdinig ang mga Russian. 

Pero kung CHR at iba pang human rights group ang tatanungin, "special treatment" daw itong maituturing.

Oktubre nang mahuli sa Ninoy Aquino International Airport si Yuri Kirdyushkin na may dalang 10 kilo ng cocaine, at Nobyembre naman si Anastasia Novopashina na bitbit ang 13 kilo ng cocaine din. 

Ayon sa CHR, tama naman na may patas na pagdinig sa mga akusado, pero bakit daw maiiba ang kalalagyan ng mga Russo habang karamihan ng ibang akusado ay nagtitiis sa siksikan at masamang kondisyon ng mga kulungan sa bansa.

"There must be no special treatment of prisoners...Lahat sila dapat pantay-pantay sa mata ng batas at sa ilalim ng batas regardless of nationality and regardless of position or status in life," ani Atty. Jacqueline de Guia, tagapagsalita ng CHR. 

Duda naman ng grupong iDEFEND, tila may nakatayang interes si Duterte kaya't nais niyang pagandahin ang pakikitungo sa Russia. 

"Ang problema, si President Duterte, selective in terms of granting this rights because he has particular interest with Russia, may 8 bilateral agreement na na-secured. He is really embarking on a campaign to strengthen ties," ani Ellecer Carlos, tagapagsalita ng iDEFEND.

Hindi lingid sa publiko na kinakaibigan nang husto ng Pangulo ang Russia. 

Pinasalamatan nga ni Duterte si Medvedev sa tulong ng kaniyang bansa sa Marawi. 

Noong isang buwan, nag-donate ang Russia ng 5,000 assault rifle at 1 milyong cartridge na may steel core na bala.

Ayon sa Malacañang, nangako ang Russia ng mas marami pang armas para sa Pilipinas.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, patuloy ang pagdinig sa kaso ng dalawang Russian.

Si Novopashina ay nakakulong ngayon sa regular na piitan sa Pasay.

Pero si Kirdyushkin, wala sa Pasay at posibleng inilipat daw sa district jail sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

--Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.