‘May leeg na siya ngayon’: Ama ng nakuryenteng bata

ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 01:03 AM

Humihingi ng karagdagang tulong ang pamilya ng isang batang nakuryente para sa kanyang tuloy-tuloy na paggaling.

"Humihingi po kami ng tulong para sa aking anak na si Emman para po sa kanyang paggamot sa rehabilitation sa kanyang sugat sa leeg, sa braso niya po. Sana po matulungan nyo kami para sa aming anak. Salamat po," panawagan ni Orlando Clavel, ama ng 14-anyos na lalaki.

Sa tulong ng Mabuhay Shriners Philippines, napaoperahan si Emman para sa nagdikit na laman at balat sa kanyang leeg at braso na sanhi ng pagkakakuryente.

"May leeg na siya ngayon. Kailangan pa po ng rehabilitation para maiangat ang braso niya," kuwento ni Clavel sa Lingkod Kapamilya.

Dalawang taon na ang nakalipas nang maaksidente si Emman. Naglalaro sila ng kanyang mga kaibigan nang aksidente siyang naitulak ng isa sa kanila sa isang live wire kaya nasunog ang kanyang katawan.

Pero napabayaan ang kanyang mga sugat matapos na maipagamot siya noon kaya dumikit ang kanyang kaliwang braso sa kili-kili at ang kanyang baba naman sa leeg.

Hirap sa buhay ang kanilang pamilya at pa extra-extra lamang sa pagpe-pedicab at pagwe-welding ang kanyang ama, habang domestic helper naman ang ina.

Sa kabila ng kanyang kalbaryo, nagagawa pa rin ng bata na makatulong sa pamilya sa pamamagitan ng pagsama sa kanila sa pagtitinda ng pagkain.

Aniya, malaking bagay ang operasyong ito para sa kanyang anak.

Sa mga nais na tumulong sa pamilya, maaaring tumawag sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Tulong Center sa mga numerong 414-1296 o 414-5431.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.