Lalaki, patay sa pamamaril sa Cebu

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 08:07 AM

TALISAY CITY, CEBU - Patay ang isang lalaki matapos itong barilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Lawaan, Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Marlon Randoy, 31-anyos.

Ayon sa isang testigo, 5 beses binaril si Randoy sa tapat ng isang gasolinahan pasado alas-10 ng gabi. Nakasakay umano ng motorsiklo ang salarin.

Idineklarang dead on arrival si Randoy sa Talisay District Hospital. Narekober mula sa kanya ay isang kalibre .45 na baril.

Sa imbestigasyon ng pulisya, posibleng may kinalaman sa pagbenta ng illegal na droga ang motibo sa krimen.

Ayon kay SPO3 Yvonne Ilustrisimo ng Talisay City Police Station, isa si Randoy sa kanilang mga minomonitor kaugnay sa kanilang mga natanggap na report na tulak umano ito.

Dagdag pa ni Ilustrisimo, responsable rin umano si Randoy sa mga kaso ng panghoholdap sa siyudad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.