Higit kalahating milyong halaga ng droga, nasamsam

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Nov 16 2017 09:28 AM

Nasamsam ng PDEA ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P270,000 mula sa isang drug den sa Barangay Sambag sa Jaro, Iloilo

ILOILO CITY – Umabot sa halos kalahating milyong halaga ng droga ang nasamsam ng awtoridad sa 2 magkahiwalay na drug bust operations, Miyerkoles ng hapon sa Jaro District.

Napasok ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency ang isa umanong drug den sa Barangay Seminario, dakong alas-2 ng hapon.

Nahuli dito sina Maribel Hulleza at Julmar Taub, mga hinihinalang taga-bantay ng drug den, ayon sa PDEA.

Apat pang katao na nasa loob ng bahay nang maganap ang operasyon ang naaresto din.

Nakuha mula sa bahay ang isang maliit na sachet at 2 malalaking sachets ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga umano ng P260,000 at isang .45 kalibreng baril.

Kinagabihan naman, nilusob din ng mga awtoridad ang isa pang drug den sa Barangay Sambag.

Subject ng operasyon ang 31-anyos na si Christian Bryan Delumen, na kinokonsidera ng PDEA bilang high value target.

"Ginagawa nila is, nagbebenta sila tapos ina-allow nila na magamit sa kanilang bahay ng kanilang clients,” sabi ni Tessa Albano, Deputy Regional Director ng PDEA 6.

Bukod kay Delumen, limang katao pa ang nasa kustodiya na ng PDEA matapos na mahuli sa akto gumagamit ng shabu.

Narekober mula dito ang dalawang malalaking sachets ng shabu at isang maliit na sachet din ng ilegal na droga na tinatayang nasa P270,000 ang street value.

Inaalam pa ng awtoridad kung saan nagaangkat ng illegal na droga ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.