Nene, tinangay, kinuhanan ng retrato nang nakahubad

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 09:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Arestado ang isang lalaki matapos tangayin ang isang batang babae at kuhanan ito ng mga malalaswang retrato.

Nakita sa cellphone ng suspek na si Romeo Buktoy ang mga hubad na larawan ng iba't ibang babae, kabilang ang mga larawan ng anim na taong gulang na biktimang si alyas 'Angel'. 

Pasado alas-12 ng tanghali noong Martes, nakuhanan ng CCTV ng Barangay 393 sa Santa Cruz, Maynila ang suspek na sinusundan si Angel sa Hidalgo Street.

Noong mga oras na iyon ay hinahanap na pala si Angel ng kaniyang pamilya.

Agad lumapit ang mga kaanak ni Angel sa barangay at pulis.

Nang mapanaood ang CCTV, doon natuklasang sumama ang bata sa suspek.

Bandang alas-12:51 ng tanghali, nakuhanan ng CCTV sa isang restoran sa Hidalgo Street ang suspek at ang bata na pumunta sa palikuran pero agad din silang lumabas.

Alas-9 ng gabi, muling bumalik ang suspek at bata sa restoran at pumasok muli sa palikuran.

Nagduda ang may-ari lalo't nagtagal ang lalaki sa loob ng palikuran kaya't agad itong nagsumbong sa mga awtoridad. 

Inabangan ng mga pulis na lumabas ang suspek at ang bata, saka hinuli ang lalaki.

Paliwanag ng suspek, naliligaw umano ang bata at sinamahan lamang niya sa banyo dahil naiihi umano ito.

Nahaharap ang suspek sa reklamong abduction o pandurukot kaugnay sa Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Inaalam pa ng Manila Police District kung may iba pang biktima si Buktoy.

Ayon sa women's desk ng pulisya, na-trauma si Angel sa nangyari kaya sasailalim ito sa counselling ng Department of Social Welfare and Development.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.