Mag-asawa, patay matapos araruhin ng truck sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 12:56 AM

NAGA CITY - Dalawa ang patay matapos mabangga ng isang trailer truck ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Brgy. Bagacay, Libmanan, Camarines Sur Martes ng tanghali.

Kinilala ang mga biktima na sina Rodrigo Bragais at ang misis nitong si Luisa.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, papuntang Naga City ang truck na minamaneho ni Abeto Edem Jr. nang mangyari ang aksidente bandang 12:30 ng tanghali.

"Nasagasaan niya yung motor at pumailalim yung dalawang biktima," sabi ni PO2 Nelson Guiruela ng Sipocot Municipal Police Station.

Ayon kay Edem na may narinig na lang siya na kumalabog sa likod ng truck kaya siya napahinto.

Iniimbestigahan ng pulisya ngayon kung nakatulog ang drayber o mabilis lang ang takbo nito.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to properties si Edem.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.