'Katahimikan' ng ASEAN leaders sa isyu ng EJK, ipinaliwanag

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 09:26 PM | Updated as of Nov 15 2017 09:40 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

"Hand in hand with a killer."

Ito ang paglalarawan ng isang pahayagan sa United Kingdom sa pakikipagkapit-bisig ni US President Donald Trump kay Pangulong Rodrigo Duterte. 

Tila si Duterte ang pinasasaringan lalo't una na niyang inamin na nakapatay na siya ng tao noong 16 anyos pa lang siya.

Isa rin itong dahilan kaya inulan ng batikos si Trump nang bumisita sa Pilinas para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit lalo't tikom ang bibig nito sa libo-libong napatay na sa kampanya ni Duterte kontra droga.

Pero si Canadian Prime Minister Justin Trudeau, humirit pa rin tungkol dito, bagay na ikinapikon ni Duterte. 

"I said I will not explain, it is a personal and official insult. That is why you hear me throwing down epithets and curses...because it angers me. When you are a foreigner, you don't know what exactly is happening in this country," ani Duterte nang hingan ng reaksiyon sa rebelasyon ni Trudeau

Sa panayam ng programang Early Edition sa ANC, sinabi ni dating Ambassador to Washington Jose Cuisia Jr. na may dahilan kung bakit nanahimik si Trump sa isyu ng extrajudicial killings (EJK).

"I think that Trump deliberately avoided taking up the issues of human rights and EJKs, [which] helped ensure a more cordial discussion," paliwanag ni Cuisia. 

Para naman kay Wilfrido Villacorta, dating Philippine Ambassador to ASEAN, tila ipinagmalaki pa ni Trudeau ang paninita kay Duterte. 

"There's nothing wrong per se about raising human rights. But to brag about it, I think he was playing to the Canadian audience.
So he should have said, 'You know, I've raised the matter to the President.' Period."

Pero sa isang joint statement naman, nagkasundo ang Pilipinas at Amerika na patuloy na isulong ang karapatang pantao ng mga mamamayan ng ASEAN.

Tinalakay din nila ang giyera ni Duterte kontra droga kung saan sinabing dapat maging bukas ang mga panig sa anumang imbestigasyon. --Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.