ALAMIN: Mga limitasyon sa pagsasagawa ng protesta

ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 03:58 PM | Updated as of Nov 15 2017 05:15 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakapaloob sa Saligang Batas ang karapatan ng mga mamamayan na magtipon at magdaos ng mga protesta upang ihayag ang kanilang mga daing sa gobyerno.

Subalit mayroon itong hangganan, lalo na kung nakapagdudulot ng karahasan.

"Kung may karapatan, may kaakibat itong obligasyon at responsibilidad. Dapat alam natin ang limitasyon ng karapatan natin," ani Atty. Claire Castro sa programang "Usapang De Campanilla" noong Martes.

"'Pag pinagbigyan kayo na makapagtipon, makapagpahayag, hindi dapat ito makasagabal sa normal na gawain ng publiko at gobyerno," paliwanag ni Castro.

Tinitiyak ng Bill of Rights sa ilalim ng Saligang Batas ang karapatang bumuo o sumali sa mga organisasyon, at magsagawa ng "public assembly" o mapayapang pagtitipon o protesta.

Subalit may ilang patnubay sa pagdaos ng protesta na ipinapatupad naman sa Public Assembly Act of 1985.

Kinakailangang mayroong papeles na nagbibigay ng pahintulot sa pagsasagawa ng public assembly, maliban na lang kung idaraos ito sa mga freedom park na itinalaga ng batas gaya ng Rizal Park.

Hind rin kinakailangan ng permiso kung idaraos ang assembly sa pribadong lugar. 

Nakasaad din sa batas na hindi maaaring gamitan ng dahas ng pulisya ang mga demonstrador.

Hindi rin dapat ang pulisya ang magpasimuno ng karahasan.

"Hindi dapat kumilos ‘yong mga pulis. Pero kapag may violence na at kailangan na magprotekta ... dapat na silang kumilos," ani Castro.

Pananagutin ang mga pinuno ng mga demonstrador sakaling maging marahas ang protesta. 

Maliban sa kanila, maaaring sampahan ng reklamo ang mga demonstrador na makikilalang gumamit ng dahas.

Kinasuhan ng Manila Police District kamakailan ang ilang demonstrador dahil sa kinahantungan ng protesta sa T.M. Kalaw Avenue sa Maynila noong Linggo, Nobyembre 12.

Tinangka umano ng mga demonstrador na buwagin ang barikada ng mga pulis para makalapit sa US Embassy at sa pinagdarausan ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.