2 truck, sinunog ng NPA sa Agusan del Norte

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Nov 15 2017 05:49 AM

AGUSAN DEL NORTE—Sinunog ng mga miyembro ng New People's Army ang dalawang delivery truck sa Barangay Cuyago, bayan ng Jabonga Martes ng umaga.

Ayon kay Senior Insp. Patrick Lacana, hepe ng Jabonga police, pakana lamang ito ng NPA para ipakita na malakas pa ang pwersa nila.

"Naghahanap lang po sila ng rason, sa mga ginawa nilang hindi maganda, kasi malapit na iyong anniversary nila. Para pag-anniversary nila, may mai-present sila, may accomplishment sila," aniya.

Ang dalawang truck ay kargado ng kahon-kahong beer at sigarilyo.

Sa panayam naman kay Ka Oto, tagapagsalita ng NPA Guerilla Front Committee 16, nag-ro-road-blocking umano sila dahil sa planong pagdukot sa sinumang pulis o kaya'y sundalo na mapapadaan.

Ginawa nila ang panununog bilang sagot sa gobyerno sa nangyayaring extra-judicial killings sa panahon ng administrasyong Duterte, dagdag ni Ka Oto.

Dahil sa pangyayari, hinigpitan na ng pulis ng mga karatig-bayan ang kanilang seguridad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.