Trudeau, sumakay sa e-jeepney; mga unang ginang, pinabaunan ng tsokolate

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2017 12:11 AM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Matapos subukan ang pagkain mula sa isang Pinoy fast food chain noong Linggo, e-jeepney naman ang sinubukan ni Canadian Prime Minister Justin Trudeau nitong Lunes, Nobyembre 13.

Photo by Dondi Tawatao, Reuters

Kasama ni Trudeau sa pag-inspeksiyon at pagsakay ng e-jeepney sa Makati sina Transportation Secretary Arthur Tugade at Metropolitan Manila Development Authority General Manager Thomas Orbos.

Nitong Linggo, nag-viral ang retrato ni Trudeau na bumibili ng pagkain sa sikat na fast food chain.

Ayon sa ilang staff ng kainan, na-starstruck sila sa pinunong pumila para sa kaniyang order.

Samantala, naghanda naman ang pulisya sa Maynila sa dapat sana'y pagbisita ni Indonesian President Joko Widodo sa Golden Mosque sa Quiapo.

Umasa pa ang ilang miron na makakapagpa-selfie sa presidente ng Indonesia.

Pero hindi natuloy ang pagpunta ni Widodo sa Quiapo.

Tiniyak naman ng pulisya na nakahanda pa rin sila sakaling matuloy sa ibang araw ang pagbisita. 

Kapwa narito sina Trudeau at Widodo para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.

Lakad ng mga unang ginang

Abala naman ang partner ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avenceña na sinamahan ang ilang asawa ng mga lider ng ASEAN sa paglibot sa isang exhibit sa Cultural Center of the Philippines.

Nakita nila ang mga replica ng sinaunang alahas, sandata, at mga lumang retrato tungkol sa kasaysayan ng ASEAN.

Matapos ang paglilibot sa exhibit, dumeretso ang first ladies sa isang hotel sa Maynila at kumain ng mga ipinagmamalaking putaheng Pilipino.

Pinabaunan din sila ni Avanceña ng mga kahong puno ng tsokolate mula sa Davao City.

-- Ulat nina Zyann Ambrosio, RG Cruz, at Katrina Domingo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.